May himala!!! Rollback sa presyo ng langis, tiyak na ngayong linggo – DOE

Ibababa ng mga oil companies sa Setyembre 26 ang presyo ng diesel ng P0.30–P0.70 kada litro; gasolina ng P0.20–P0.60 kada litro, at kerosene ng P0.45–P0.85 kada litro.

Tila pumuti na ang uwak dahil ikinasa na ng mga oil companies sa bansa ang isang oil price rollback kasunod ng magkakasunod na oil price hikes nitong nakalipas na 11 na sunod na linggo.

Sa naturang rollback na ipatutupad sa Martes, Setyembre 26, ay ibababa ng mga oil companies ang presyo ng diesel ng P0.30–P0.70 kada litro, samantalang ibababa naman ang presyo ng gasoline ng P0.20–P0.60 kada litro.

Ibababa rin nila ang presyo ng kerosene ng P0.45–P0.85 kada litro.

Sinasalamin ng mga rollback ang price cuts sa Mean of Platts Singapore, kung saan ibinaba ng P0.41 kada litro ang gasoline, P0.50 kada litro ang diesel, at P0.659 kada litro ang kerosene.

Ayon naman sa Department of Energy, P17.50 kada litro na ang itinaas ng gasolina mula Enero, P13.60 kada litro ang diesel, at P9.94 kada litro ang kerosene.

Kaugnay nito ay humingi na ang mga transport groups nang dagdag sa pamasahe upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng krudo.