Matayog ang lipad: EJ Obiena wagi ng ginto sa Asian Games; nagtala pa ng bagong record

Wagi si pole vaulter EJ Obiena sa pole vault upang maibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang gintong medalya nito sa ika-19 Asian Games.

Naipanalo ni pole vaulter EJ Obiena ang kauna-unahang gintong medalya sa ika-19 Asian Games sa Hangzhou, China, nitong Sabado, Setyembre 30.

Si Obiena, na ikalawang pinakamagaling na pole vaulter sa mundo batay sa world rankings, ay nagtala ng bagong Asian Games record na 5.90 metro upang pataubin ang mga kalaban nito at ipanalo ang unang gintong medalya ng Pilipinas.

Sinubukan pa ni Obiena na i-reset ang kanyang personal best nang subukin niya ang taas na 6.02 metro.

Huling naka-ginto ang Pilipinas sa larangan ng athletics noon pang 1986, kung saan nagwagi rin ng ginto si Lydia de Vega sa 100m sprint.

Nakuha ni Bokai Huang ng China ang pilak, samantalang tanso naman kay Al Hizam Hussain ng Saudi Arabia.