Matamlay na pasok ng 2024 para sa mga pagawaan? Total ban vs paputok, itinutulak ng DILG sa mga LGU

Karaniwan ng bahagi ng selebrasyon ng Kapaskuhan at Bagong Taon ang paggamit ng paputok, subalit marami ang nasasaktan at napeperwisyo dito. Kanya naman nais ng DILG na ipagbawal na ito nang tuluyan.

Nanawagan si Interior Secretary Benhur Abalos Jr. sa mga local government units (LGUs) sa buong bansa na magpatupad ng total ban sa mga paputok.

“Ako’y nananawagan sa lahat ng LGU na sana magpasa tayo ng total ban on firecrackers. I think Davao is the first one, ang Quezon City ay nagpasa na rin. Okay lang ang pyrotechnics, yung mga ilaw-ilaw,” sambit ni Abalos sa isang press conference noong Biyernes, Disyembre 15.

Dagdag ni Abalos, maaaring magtakda ang mga lokal na pamahaalaan ng mga pampublikong lugar kung saan pwedeng manoong ng mga fireworks display ang mga tao.

“Ganoon na lang siguro ang gawin natin. Kaya ako’y nananawagan sa mga LGUs. If it’s possible, I’ll be giving them templates ng ban on firecrackers through ordinance,” sabi pa Abalos.

Una nang inanunsiyo ng Philippine National Police ang mga paputok na ipinagbabawal nito dahil sa sobrang lakas.