Matagal na dapat ito: Panukalang doblehin ang supplies allowance ng mga guro, pasado na sa Kamara

Sa ilalim ng HBN 9682, itataas sa P7,500 ang supplies allowance simula Academic Year 2024–2025 at sa P10,000 sa mga susunod na taon.

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang panukalang Teaching Supplies Allowance Act, o House Bill (HB) No. 9682. Layon ito na itaas ang supplies allowance ng mga guro sa public school mula P5,000 pataas ng P10,000.

“The selfless service of our educators is priceless, and we hope to address one of the many concerns they have through the provision of this supplies allowance, which will not be subject to income tax,” paliwanag ni House Speaker Martin Romualdez matapos ipasa ng Kamara ang panukala.

Sa ilalim ng HBN 9682, itataas sa P7,500 ang supplies allowance simula Academic Year 2024–2025 at sa P10,000 sa mga susunod na taon.

“This much-needed allowance for teachers is long overdue, and by passing this relevant bill, we hope to strengthen our commitment to the welfare of our public teachers,” dagdag pa ni Romualdez.

Handa rin aniya makipagtulungan ang Kamara sa Senado, na inaprubahan noong Mayo pa ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, na halos kapareha rin ng HBN 9682.