Mataas na TF kahit laos na? Jay Sonza, binayaran ng P1 milyon kada buwan ng SMNI

Kung pagbabatayan ang mga sagot ni Jay Sonza, kumita na siya ng P8 milyon sa walong buwan niya bilang consultant ng SMNI. Katumbas ito ng taunang sweldo ng 47 na manggagawang sumasahod ng minimum wage na P610 kada araw.

Kumikita ng P1 milyon kada buwan ang batikang mamamahayag na si Jay Sonza bilang consultant ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Iyan ay inamin mismo ni Sonza sa hearing ng House Committee on Legislative Franchises tungkol sa mga paglabag ng SMNI sa prangkisa nito.

“I’m acting as the consultant for broadcast operations [for SMNI],” sabi ni Sonza sa komite.

Nang tanungin naman siya ni Quezon Rep. David Suarez kung magkano ang binabayad ng SMNI sa serbisyo nito, tila nahiya pa si Sonza.

“The record would speak for itself, Mr. Chairman. We will subject the record,'” sagot ni Sonza.

Sinabihan naman siya ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting na sagutin na lamang ang katanungan ni Suarez.

“Since there’s a record, just tells us,” aniya.

“It’s a sizable amount Mr. Chairman…,” saad ni Sonza. “A million…A million per month.”

Dagdag ni Sonza, Marso pa lang ay consultant na siya ng SMNI. Tumanggi naman siyang iditalye ang setup nila ng SMNI.

Kung pagbabatayan ang mga sagot ni Sonza sa kumite, kumita na siya ng P8 milyon sa walong buwan niya bilang consultant ng SMNI. Katumbas ito ng taunang sweldo ng 47 na manggagawang sumasahod ng minimum wage na P610 kada araw.

Gayunpaman, sinabi ni SMNI President Marlon Rosete na may kapangyarihan si Sonza na magdesisyon gaya ng isang manager o ehekutibo.