Masyado kasing presko! Tricycle driver sa Camarines Sur, arestado matapos bastusin, ayain ng ‘date’ ang pasaherong babae

Kwento ng biktimang si Rain Reyes, nag-iisang pasahero lang siya ng drayber nang kausapin siya nito at ayaing mag-date. Hinawakan pa raw siya sa balikat nito at tila ilalampas pa sa bababaan niya.

Nakulong ang isang tricycle driver dahil sa pangha-harass nito diumano sa pasahero nitong babae sa Naga City, Camarines Sur nitong linggo lang.

Kwento ng biktimang si Rain Reyes, nag-iisang pasahero lang siya ng drayber nang kausapin siya nito at ayaing mag-date.

“Malapit na ang February 14, mag-date tayong dalawa. Gusto mo mag-date tayong dalawa?” sabi aniya sa kaniya ng drayber na kilalang si Allan Bautista. “Anong hinahanap mo sa lalaki, guwapo? Mayaman? Huwag kang maghahanap ng guwapo, lolokohin ka lang niyan.”

Dagdag pa ni Reyes, hindi na huminto pa ang drayber kahit may mga pumapara na sa kaniya upang sumakay sana. Hinawakan pa raw siya sa balikat nito at tila ilalampas pa sa bababaan niya.

Dito na sinimulang kuhanan ni Reyes ng video ang mga susunod na pangyayari.
Nakuha rin niya ang numbero ng tricycle, kung kaya’t natunton agad ito ng mga pulis.

Bwelta ni Bautista sa ama ng biktima, nagbibiro lamang siya. Sinabi rin niyang magbabago na siya kung mabibigyan ng pagkakataon.

Paglabag sa Safe Spaces Act ang maaaring kaso ni Bautista, na posible ring matanggalan ng lisensiya at prangkisa.