Masayang-masaya pa siya: Social media influencer na si Jam Magno, sumuko sa awtoridad dahil sa psychological violence

Unang nakilala si Jam Magno bilang isa sa mga tagasuporta ni dating Pangulo Rodrigo Duterte at ng administrasyon nito.

Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Butuan City ang kilalang social media personality na si Jessica Ann “Jam” Magno matapos magbaba ng arrest warrant para sa kanya si Presiding Judge Ali Joseph Ryan Chiong Lloren ng Misamis Oriental Regional Trial Court, Branch 37.

Ayon kay Captain Charles Evan Gatchalian, hepe ng Butuan City Police Station 4, sumuko si Magno nitong Martes ng umaga, Disyembre 12, at nakapagpiyansa rin naman kinahapunan upang makalaya agad.

“Hindi siya inaresto, nag-voluntary surrender siya,” ani Gatchalian sa isang panayam sa Inquirer. “Nagpunta siya dito kasama yung kanyang relative at abogado, may dala na sila yung warrant nila. Tinignan natin sa database wala pa, pero since may dala naman siya prinocess namin dito dahil dito siya nakatira sa area of responsibility natin.”

Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Magno ang mga ulat na inaresto siya.

“Have you ever seen a mugshot that’s much prettier than mine? […] Funny that people said I was arrested,” sambit ni Magno sa isang post sa kaniyang Facebook account. Correction. I surrendered and posted my 72,000 peso bail and did NOT ask for a discount, and I was escorted by an entire TEAM of Butuan’s BEST.”

Nakakaharap diumano si Magno sa kasong paglabag sa Republic Act 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.