Masayang Bagong Taon, nauwi sa trahedya! Lalaki, patay nang masabugan ng paputok sa mukha sa Camarines Sur

Sumabog sa mukha ng isang lalaki ang paputok na hinihipan nito dahil hindi agad sumindi. Ikinamatay niya ang mga natamong sugat at sunog.

Nauwi sa trahedya ang pagsalubong sana sa Bagong Taon ng isang 57-anyos na lalaki sa Pamplona, Camarines Sur.

Ito ay matapos masabugan siya sa mukha ng paputok na ayaw sumindi. Ikinamatay ito ng biktima.

Kwento ni Police Captain Dulcesimo Alcantara Jr, Deputy Chief of Police ng Pamplona police station, hinipan ng lalaki ang paputok nang hindi agad ito sumindi, at dito na ito sumabog.

“In-attempt niya na hipan, hindi niya alam na sustained pa pala kaya nasurpresa siya sa mukha,” saad ni Alcantara.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima, na isa sa higit 500 na fireworks-related injuries na naitala ng Department of Health sa buong bansa. Ayon naman sa Bicol Police, 60 na ang biktima ng paputok sa buong Bicol Region.