‘Mas matinding proteksyon ang kailangan’: CHR nanawagang repasuhin at palakasin ang Batas Kasambahay

Pinuna ng Commission on Human Rights na hindi sapat ang proteksyon na ibinibigay ng Batas Kasambahay sa mga domestic workers kaya't dapat na itong amyendahan.

Binigyang-diin ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Huwebes, Setyembre 14, na hindi sapat ang proteksyon na ibinibigay ng Kasambahay Law upang mapigilan ang pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga kasambahay.

“The Batas Kasambahay provides domestic workers protection in their employment, but this has not been enough to deter some employers from committing abuses and maltreatment against their kasambahay,” paliwanag ng CHR sa isang pahayag.

Tiniyak ng CHR na susuportahan nito ang pagrepaso sa Republic Act (RA) 10361 o mas kilala bilang Domestic Workers Act upang matiyak ang kaligtasan at tamang pagtrato sa mga kasambahay.

Kaugnay rito ay ni-rekomenda ng CHR na palakasin pa ang mga parusa laban sa mga krimeng ginagawa sa mga kasambahay, maglaan ng mga emergency hotlines sa bawat barangay para sa mga distressed domestic works, at pagpapaigting ng information campaign para sa Batas Kasambahay.

Nauna nang inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo na amyendahan na ang Domestic Workers Act dahil sa kaso ng kasambahay na si Elvie Vergara, na diumano’y minaltrato at inabuso ng kanyang mga amo sa Occidental Mindoro.