Mas matibay na ugnayan: PH at Japan, magkakaisa sa pagsasanay ng hukbo sa ilalim ng Reciprocal Access Agreement

Bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon, layon rin ng Reciprocal Access Agreement na pag-igihan pa ang pagtutulungan ng Pilipinas at Japan, partikular na sa mga joint training at military exercises ng dalawang bansa.

Nagpulong sina Ferdinand R. Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida nitong Linggo, Disyembre 17, at isa sa pangunahin nilang tinalakay ay ang planong Reciprocal Access Agreement (RAA) ng Pilipinas at Japan.

Ang RAA, ayon sa pangulo, ay makatutulong ng malaki upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Indo-Pacific region, bukod pa sa magiging kapakipakinabang sa Pilipinas at Japan.

“We are in agreement that we considered to be extremely significant between our two countries is Reciprocal Access Agreement that will give us a greater capability in terms of not only security but also in terms of disaster preparedness, alleviation, and adjustment,” paliwanag ni Marcos kay Kishida sa kanilang pulong na ginanap sa sidelines ng ika-50 Commemorative Summit ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation sa Tokyo.

Napagkasunduan rin ni Marcos at Kishida na magtulungan upang mapabilis ang negosasyon para sa RAA.

“That is something that is, I believe, is very, very significant and that it will bring to us greater capacity to maintain the peace in [the South China Sea],” ani Marcos.

Bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon, layon rin ng RAA na pag-igihan pa ang pagtutulungan ng Pilipinas at Japan, partikular na sa mga joint training at military exercises ng dalawang bansa.