Mas masarap ang Jollibee dito, Fumio-san! Japanese PM, nakatakdang bumisita sa Pilipinas sa Nobyembre 3

Siyam na buwan matapos bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Japan, si Prime Minister Fumio Kishida naman ang bibisita sa Pilipinas ngayong linggo.

Bibisita si Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Pilipinas ngayong linggo para makipagpulong kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Kabilang sa mga nakatakdang pag-usapan ng dalawang pinuno ay ang security at economic cooperation ng dalawang bansa.

Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO), batay na rin sa abiso ng Department of Foreign Affairs, na darating si Kishida sa Nobyembre 3 at mamamalagi sa bansa hanggang Nobyembre 4.

Ayon pa sa PCO, tatalakayin nina Kishida at Marcos ang “areas of mutual concern such as political, security, economic and development cooperation, as well as people-to-people ties.”

Bukod pa rito, inaasahang lalo pang pagtitibayan ng dalawa ang ugnayan ng Pilipinas at Japan sa larangan ng infrastructure development, renewable energy, disaster response, public health enhancement, at humanitarian assistance.

Matatandaang una nang bumisita si Marcos sa Japan noong Pebrero.