Mas maraming Noypi, nahuhumaling sa cashless transactions – survey

Lumabas sa survey ng global payment services company na Visa na nababawasan ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng aktwal na pera sa kanilang mga transaksyon.

Lumabas sa survey ng global payment services company na Visa na nababawasan ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng aktwal na pera sa kanilang mga transaksyon.

Batay sa Consumer Payment Attitude Study na isinagawa ng Visa noong nakaraang taon, bumaba sa 87% ang mga Pilipinong pera ang pinangbabayad sa kanilang mga transaksyon. Mas mababa ito kumpara sa 96% noong 2022.

Ayon kay Jeff Navarro, Visa country manager for the Philippines, dahilan nito ang dumaraming bilang ng mga Pilipinong pinipili ang cashless o digital na paraan ng pagbabayad.

“Filipinos are becoming more comfortable with cashless payments, and we are confident that they will continue to embrace new innovations in the digital payment landscape,” pahayag ni Navarro.

Ilan sa pangunahing cashless payment methods na patok sa mga Pinoy ang mga card at mobile wallets.

Ang survey ay isinagawa mula Oktubre hanggang Nobyembre nitong nakaraang taon kung saan 1,000 katao mula edad 18 hanggang 65 ang naging respondent.

Lumabas din sa naturang pag-aaral na 88% ng mga cashless payment ay nagaganap sa mga malalaking pamilihan. Samantala, 86% naman ang gumagamit ng cashless payment sa pagbabayad ng pagkain habang 82% para magbayad ng bills.