Mas maraming kaibigan: PBBM, mas palalalimin pa ang ugnayan ng PH at Sri Lanka, Uganda

Mas lumalakas ang mga international relations ng Pilipinas sa tulong na rin na pakikipagkaibigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pinuno ng iba't ibang bansa, gaya na lamang ng Sri Lanka at Uganda.

Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang nitong Martes, Oktubre 10, ang mga kinatawan ng Sri Lanka at Uganda.

Iprinisinta nina Chanaka Harsha Talpahewa, Ambassador to the Philippines ng Sri Lanka, at Betty Oyella Bigombe, non-resident Ambassador to the Philippines ng Uganda, ang kanilang mga credentials. Kasabay nito, nangako naman ang pangulo na mas palalalimin pa ng Pilipinas ang ugnayan nito sa dalawang bansa.

“Both our countries [Pilipinas at Sri Lanka] are looking to the future to develop the economies of our countries and to make a better life for our people. And I believe that we can find ways to work together to the mutual benefit of both our countries,” pahayag ni Marcos sa isang press release.

Sinabi naman ni Marcos kay Bigomba na ang mga natutunan ng dalawang bansa sa nakalipas nito ay makatutulong sa paghubog ng mas maganda nitong hinaharap.

Pareho namang ikinatuwa nina Talpahewa at Bigombe ang pangako ni Marcos. Ayon pa nga kay Tapahewa, isusulong ng dalawang bansa sa “next level” ang kanilang bilateral ties. Tugon naman ni Bigombe, nasa tamang landas ang Pilipinas at Uganda sa layon nitong mapabuti ang ekonomiya at mabigyan ng mas magandang buhay ang mga mamamayan nito.