Mas maraming kaibigan, mas mainam: Ugnayan ng Pilipinas-Netherlands, lalo pang pinagtibay at pinalawak

Nagdayalogo ang mga opisyal ng Pilipinas at Netherlands upang mapag-usapan ang mga hakbang nito sa pagpapatibay at pagpapalawak ng dalawang bansa, na magkatuwang na sa larangan ng international peace at security.

Lalo pang pinagtibay ng Pilipinas at Netherlands ang kanilang ugnayan matapos magpulong sina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo and Dutch Foreign Minister Hanke Bruins Slot nitong Lunes, Oktubre 30.

Partikular na pinag-usapan ng dalawa ang pagtutulungan sa kalakalan upang mas mapalago pa ng parehong bansa ang mga ekonomiya nito.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni Philippine Ambassador to the Netherlands J. Eduardo Malaya na nakatakdang magpulong ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry ng Pilipinas at Ministry of International Economic Affairs ng Netherlands upang pag-usapan kung paano magtutulungan ang dalawang bansa sa pagpapalago ng ekonomiya.

“We’ve been encouraging this for some time because we had noted that there is the joint bilateral consultations, but mostly doing cooperation on the political security and other fields, and it needed to be complemented by economic cooperation,” paliwanag ni Malaya.

Sa kasalukuyan, may matibay na ugnayan na ang Pilipinas at Netherlands sa larangan ng kapayapaan at international security, kung kaya’t minarapat ng dalawang nasyon na mas magtulungan pa para sa ekonomiya naman.