Mas marami, mas maganda: PBBM, ikinagalak ang paglago ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair

Mas maraming serbisyo na ang iaalok ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ng pamahalaan, na layong dalhin ang mga serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan mismo.

Ikinagalak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglago ng “Bagong Pilipinas Serbisyo Fair” (BPSF), na nagbigay serbisyo sa mga residente ng Santa Cruz, Laguna noong Sabado, Nobyembre 4.

“Ito po ay alinsunod sa adhikain ng ating Pangulo na maisulong ang isang Bagong Pilipinas kung saan naipa-aabot ang paglilingkod ng gobyerno sa paraang mabilis, maayos, at abot-kamay ng bawat Pilipino,” saad ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo Jr., sa kaniyang talumpati bilang kinatawan ni Pangulong Marcos.

Layon ng BPSF na dalhin sa taumbayan ang mga mahahalagang serbisyo ng pamahalaan, kagaya ng mga renewal, application, at request for assistance. Katuwang ng pamahalaan dito ang mga kagawaran nito at ang mga lokal na pamahalaan.

“Tandaan po ninyo na ang gobyerno ay palaging buong-puso at handang umagapay sa inyo sa lahat ng oras, lalong-lalo na sa mga kababayan nating pinakanangangailangan,” dagdag pa ni Lagdameo.

Pinangunahan ng pangulo ang launch ng BPSF noong Setyembre 23 sa Nabua, Camarines Sur, kasama na ang Monkayo, Davao de Oro; Tolosa, Leyte; at Laoag, Ilocos Norte.