Mas gaganda pa: Patuloy na paglago ng ekonomiya, kayang-kaya—ekonomista

Ang 5.9% paglago ng ekonomiya ng bansa mula Hulyo hanggang Setyembre ay pinakamataas sa mga emerging economies ng Asya gaya ng sa China at Vietnam, ayon sa isang eksperto.

Kayang-kaya ng Pilipinas na mas palaguin pa ang ekonomiya nito sa huling tatlong buwan ng 2023 matapos ang 5.9% paglago nito mula Hulyo hanggang Setyembre.

Sa isang news forum nitong Sabado, Nobyembre 11, sinabi ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort na maaari pang lumaki ang gross domestic product (GDP) growth nang 6.5 hanggang 7% sa ikaapat na yugto ng taon dahil sa inaasahan paggastos sa Pasko at ang katatapos lang na Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

“Itong fourth quarter may economic growth driver din tayo, ‘yong BSKE, may spending,” paliwanag ni Ricafort. “Kaya iyong 6-and-a-half to 7 percent, that’s achievable considering ngayon normal na at wala na ring restriction, nagre-recover na ang tourism both local and foreign, at maraming services sector tuloy-tuloy ang recovery.”

Ang 5.9% paglago ng ekonomiya ng bansa mula Hulyo hanggang Setyembre ay pinakamataas sa mga emerging economies ng Asya gaya ng sa China at Vietnam.