Marcos loyalists, Kakampinks dapat magsanib vs DDS! – Trillanes

Sinabi kahapon ni dating senador Antonio Trillanes IV na maaaring magtulungan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga hindi karaniwang kaalyado upang mapigilan ang balak na pagtakbo ng pamilyang Duterte sa 2025 Election.

Kabilang sa mga non-traditional allies na binanggit ni Trillanes ay ang mga “pink” forces ng independent opposition.

Matatandaang kamakailan ay inanunsyo ni Vice President Sara Duterte na ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City First District Representative Paolo Duterte ay nagpaplanong tumakbo sa Senado.

“We have to set aside sensitivities for a larger cause,” pahayag ni Trillanes.

“The timing is good. It is a reason to galvanize the unity of all the sectors who are not with the Dutertes. It should be in 2025. We must have unity candidates and absorb all the opposition, the independent opposition,” dagdag pa nito.

Dahil dito ay sinimulan na umano ni Trillanes na makipag-usap upang magkaisa ang administrasyon at ang independent opposition.

Aniya, nagpadala siya ng mensahe tungkol sa kanyang mungkahi sa mga kampo nina dating senador Bam Aquino at Francis Pangilinan.