Marcos inawat pagparusa sa mga pasaway na e-trike, e-bike rider

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na huwag munang parusahan ang mga susuway sa ordinansa patungkol sa mga e-tricycle at e-bicycle.

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na huwag munang parusahan ang mga susuway sa ordinansa patungkol sa mga e-tricycle at e-bicycle.

Sa kanyang social media post, humiling si Marcos na huwag munang tiketan o i-impound ang mga pasaway na e-bike at e-trike sa loob ng unang buwan ng implementasyon ng batas.

“Ngayong araw na ito, iniutos ko sa MMDA at sa lahat ng lokal na pamahaalan sa Metro Manila na bigyan ng palugit ang mga e-bikes, e-trikes, at iba pang apektadong sasakyan na dumadaan sa ilang tukoy na daan sa Metro Manila. Kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ating ipinapatupad,” saad ng pangulo sa kanyang social media post.

“Batay na rin sa rekomendasyon na aking natanggap, mananatiling bawal ang mga natukoy na sasakyan sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24-022 series of 2024 sa mga piling pangunahing lansangan,” dugtong ng pangulo.

Ayon pa kay Marcos, sa loob ng grace period, ang mga mahuhuling pasaway ay paparahin lamang para kausapin at maturuan ng impormasyon tungkol sa nasabing MMDA regulation.

“Kung paparahin man sila, ito ay upang maayos na maituro ang mga kalsadang maari nilang gamitin, pati na ang pagpapaalala ng mga bagong patakaran na ipinapatupad upang paigtingin ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan,” dagdag pa ni Marcos.

Nitong Lunes naging epektibo ang MMDA Regulation No. 24-022, kung saan ang mga e-trike, e-bike, tricycle, pedicab, kariton, at kuliglig ay pinagbabawalang dumaan sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila.