Marami benepisyo at maganda sa kalikasan: Paggamit ng electric vehicles sa bansa, dapat pang paramihin, palawakin — PBBM

Kuryente ang gamit mga electric vehicles para umandar, kung kaya mas mabuti ito sa kalikasan, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., napapanahon nang gumamit ng electric vehicles (EV) ang mga Pilipino.

Ani Marcos, ang paglipat sa EV ay makatutulong upang mabawasan ang paggamit ng krudo, na palagiang tumataas ang presyo depende sa dikta ng pandaigdigang merkado.

“Considering our continued dependence on imported fuels and the volatility of oil products in the world market, it is only sensible that we encourage the shift to electric vehicles,” giit ni Marcos sa kanyang talumpati sa official launch ng Dongfeng Motors sa bansa nitong Lunes, Oktubre 16.

Bukod pa rito, may nasisilip ring iba pang benepisyo si Marcos na makabubuti naman sa kalikasan.

“We not only get savings in fuel and gas, but also significantly lessen our greenhouse gas emissions and champion sustainability in our day-to-day activities,” dagdag ni Marcos.

Ayon rin kay Marcos, kailangang talagang lumipat na sa EV ang bansa dahil isa ito sa mga ipinangako ng bansa sa pagpirma nito sa Paris Agreement, na naglalayong bawasan ang greenhouse gases sa mundo.