Maparaan talaga basta sa kalokohan! BI, tukoy na ang bagong modus sa human trafficking

Ayon sa isang nabiktima, pinangakuan siya ng trabaho sa Dubai na may sweldong US $800 kada buwan diumano, subalit napunta siya sa Iraq, kung saan USD $150 lamang ang kita niya buwan-buwan.

Natukoy na ng Bureau of Immigration (BI) ang isang “emerging trafficking scheme” matapos nitong maharang ang tatlong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na lilipad sana papuntang Dubai.

Ang siste, nakasaad sa mga dokumento nila na babalik lamang sila sa mga dati na nilang employer sa ibang bansa, hindi sa Dubai.

“This modus operandi aims to mislead our immigration officers as the victims do have valid employment permits to a certain country where they had previously worked, but actually their intention is to work somewhere else,” paliwanag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa isang pahayag.

Aniya, partikular na target ng nasabing modus ang ang overseas Filipino workers (OFWs) na patapos na ang mga kontrata na aalukin nila ng trabaho sa mga bansa sa Middle East.

Ayon sa isang nabiktima, pinangakuan siya ng trabaho sa Dubai na may sweldong US $800 kada buwan diumano, subalit napunta siya sa Iraq, kung saan USD $150 lamang ang kita niya buwan-buwan.

Kadalasan daw, sa Facebook nagaganap ang mga transaksiyon sa modus na ito.