Manila Zoo pinalilipat sa Masungi

Ipinalilipat ni Senador Francis Tolentino ang Manila Zoo sa Masungi Georeserve sa Baras, Rizal.

Ipinalilipat ni Senador Francis Tolentino ang Manila Zoo sa Masungi Georeserve sa Baras, Rizal.

Ayon kay Tolentino, ito ay para maayos na makapamuhay ang mga hayop na nakakulong sa 65-taong zoo sa Malate.

Paliwanag pa ni Tolentino, ang Masungi ang mas malapit na natural habitat ng mga hayop.

“Mas maganda kung mabibigyan ng espasyo ang mga inaalagaang hayop [ng Manila Zoo] kung saan maaari silang mabuhay sa tamang lugar at klima,” pahayag ni Tolentino.

Ayon kay Tolentino, masikip ang anim na ektaryang Manila zoo at exposed ang mga yayop sa ingay, init at polusyon sa siyudad.

“Maliit lang po ito kaya hirap na hirap yung ating mga giraffe…yung ating elepante nga namatay…mainit yung semento. Hindi po kasi natural habitat ng mga hayop na nabanggit ko yung kalungsuran, kung saan mainit, maingay, at mausok,” pahayag ni Tolentino.

Welcome naman para kay Adeling Dumaliang, co-founder ng Masungi Georesereve Foundation ang panukala ni Tolentino.

“Kapag geopark ang isang lugar, hindi naman ibig sabihin nito na lahat ay strict protection… mayroon din talagang mga aspeto ng sustainable development,” pahayag ni Dumaliang.

“Maganda pong recommendation po yung inyong nabanggit, malaki rin po yung pwedeng ambag n’yan sa environment education,” dagdag ni nito.

Inihalimbawa ni Tolentino ang paglilipat ng Manila Boys Town sa probinsya ng Rizal na nanatiling nasa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na pamahalaan ng Manila.