Manila solon: Politikong ‘di makatao, ‘wag iboto!

“‘Wag nating hayaang manalo ang mga politiko na hindi naniniwala sa human rights,”

Nanawagan si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. sa mga botanteng Pilipino na huwag iboto sa eleksyon ang mga politikong walang respeto sa karapatang pantao.

Iginiit ni Abante na hindi dapat hinahayaan ng mga Pilipino na magkaroon ng pwesto sa gobyerno ang mga taong hindi naniniwala sa kanilang karapatan.

“‘Wag nating hayaang manalo ang mga politiko na hindi naniniwala sa human rights,” sabi ni Abante sa pagdinig ng kanyang komite.

Si Abante ang chairperson ng Kamara sa Committee on Human Rights na kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig hinggil umano sa mga paglabag ng administrasyong Duterte sa karapatang pantao sa giyera nito kontra droga.

Kinakailangan po ang manalong pulitiko meron pong passion sa Pilipino, ang mga politiko na mananalo ay naniniwala po sa due process and law, hindi po kaagad kumikitil o pumapatay,” dagdag niya.

Kamakailan lang ay inanunsyo ni Vice President Sara Duterte ang pagbabalik politika ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado kasama ang dalawang anak na lalaki.