Manigong Bagong Taon! Malapit na ugnayan ng mga bansa, susi sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas—PBBM

Hinimok ni Pangulong Marcos ang mga representante ng kaalyado ng Pilipinas na magtulungan upang mapabuti ang iba’t ibang larangan gaya ng edukasyon, food security, at kapayapaan.

Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mas matatag na ugnayan at patuloy na pakikipagtulungan sa mga kaalyado nito, na aniya ay susi sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.

Iyan ay isa sa mga pangunahing mensahe ng pangulo sa kaniyang talumpati sa tradisyunal na Vin d’honneur na ginanap sa Ceremonial Hall ng Malacañang Palace nitong Huwebes, Enero 11. Dito pinasalamatan rin niya ang tulong at suporta ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas upang makabangon ito sa pandemya.

“I am proud to have closely worked with many of you on many initiatives and endeavors since I assumed the presidency in the middle of 2022,” sabi ni Marcos sa mga diplomat na dumalo. “I hope that we will continue to serve as able agents of our respective governments and countries in furthering the breadth and depth of our bilateral ties as well as in exploring collaboration in regional and multilateral fronts.”

Kaugnay niyan ay hinimok ni Marcos ang mga representante ng kaalyado ng Pilipinas na magtulungan upang mapabuti ang iba’t ibang larangan gaya ng edukasyon, food security, at kapayapaan.

Binigyang-diin rin ng pangulo na handa ang Pilipinas makipagtulungan sa mga kaalyado nito upang matugunan ang hamong kinakaharap nito.