Mananaya 20 beses tumama sa lotto sa isang buwan – Tulfo

Binuking ni Senador Raffy Tulfo ngayong Martes na isang mananaya ang 20 beses tumama sa lotto sa loob ng isang buwan.

Binuking ni Senador Raffy Tulfo ngayong Martes na isang mananaya ang 20 beses tumama sa lotto sa loob ng isang buwan.

Pinagbatayan ni Tulfo ang listahan na galing mismo sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“‘Yung PCSO nagbigay ho sa akin ng listahan…Ito nga po ang sabi ko medyo nakakataas ng kilay, meron doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month. Meron dun 10 times in one month,” pahayag ni Tulfo sa panayam ng Dobol B TV.

“Siguro baka magkapangalan pero still pare-pareho ‘yung premyo ang pinanalunan…Paulit-ulit in one month… Lalong tumambak ang mga questions,” saad pa ng mambabatas.

Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ni Tulfo ang integridad ng mga resulta ng palaro ng PCSO. Bukod sa listahan ng mga nanalo, sinisilip din ni Tulfo ang mga kaukulang dokumento gaya ng mga nanalo ng jackpot prize at ang buwis ng mga papremyo.

“Bakit tuwing draw, may nananalo na? Ngayon, walang mintis. Samantalang nu’ng panahon na wala pa tong e-lotto, ang tagal bago panalunan. Inaabot ng isang buwan, dalawang buwan,” pagtataka ng senador.

Sa hiwalay na panayam ng Dobol B TV, tiniyak ni PCSO General Manager Mel Robles na sisiyasatin nila ang ibinulgar ni Tulfo.

“I wouldn’t know [that]. Ako, personally, hindi ko po tintingnan ‘yon. Pero I’ll check, I’ll look into that kung meron pong ganon, kasi hindi naman po kami tumitingin na n’yan after namin maibigay e,” saad ni Robles.