Manalo o matalo, maglinis kayo! Comelec, pinaalalahanan ang mga kandidato na baklasin ang mga poster, maghain ng SOCE

May karampatang parusa ang mga kandidatong hindi susunod sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec) sa pagbaklas ng mga campaign material at paghain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

May mga paalala pa ang Commission on Elections (Comelec) matapos ang matagumpay na barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) noong Lunes, Oktubre 30: Tanggalin ang mga ipinaskil na campaign materials at mag-file ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Mayroon na lamang silang ilang araw para sundin ang Comelec, partikular sa kautusan nito tungkol sa paglilinis ng kanilang mga campaign materials.

“A reminder to all candidates: you only have five days or until November 4 to remove all posted and distributed campaign materials in the common poster area,” paalala ni Comelec spokesman John Rex Laudiangco sa isang Laging Handa public briefing nitong Miyerkules, Nobyembre 1.

Ang pagsusumite naman ng SOCE ay hanggang huling linggo pa ng Nobyembre. Pinaalala rin ng Comelec na lahat ng kandidato—nanalo man o natalo—ay dapat mag-file nito, ayon na rin sa Republic Act 7166, or the Synchronized National and Local Elections and Electoral Reforms Act.

Alinsunod na rin dito, hindi maaaring maupo ang nanalong kandidato kung hindi pa ito nagsusumite ng SOCE nito. Ang mga kandidatong hindi magsusumite nito ay hindi na maaari tumakbo pang muli sa kahit anong posisyon.

Hanggang Nobyembre 29 na lamang maaaring mag-file nito.