Man vs Wild! Sawa, patay matapos kagatin ng lalaki sa Bohol

Napulupot ng sawa ang lalaking biktima kaya ito pumalag at kinagat ang ulo ng ahas hanggang sa mamatay ito.

Matagumpay na nasagip ng isang lalaki ang kanyang sarili mula sa matinding pagkakapulot ng isang sawa matapos nitong hawakan at kagatin ang ulo ng kalabang ahas.

Ang lalaki, na kinilalang si Boljulio Aleria, ay sakay ng kaniyang motorsiklo nang bigla itong inatake ng isang reticulated python na nagnangalang “Baksan” sa Barangay Quinapon-an, Antequera sa Bohol.

Agad namang naisugod sa ospital si Aleria dahil sa mga pasa at sugat na tinamo mula sa pag-atake ng ahas.

Nakalabas na rin ng ospital si Aleria nitong Biyernes, Disyembre 22, at naikwento pa niya sa dyRD ang kaniyang pakikipagbuno kay Baksan, na halos apat na metro ang haba at kasing-taba ng malaking bote ng alak.

“Nakapulupot na siya sa akin. Ang naisip ko, mamamatay na ako. Kaya hinawakan ko sa ulo pero nakawala. Nahawakan ko ulit, kinagat ko ang ulo,” kwento ni Aleria, na tinulungan ng mga kapwa nito Boholano sa pagbabayad sa ospital upang makalabas na siya.

Dagdag pa ni Aleria, kinagat niya ng kinagat ang sawa hanggang manghina ito at bumitaw na nang tuluyan.