Mamang pulis na matulis, ‘person of interest’ na sa pagkawala ng beauty queen sa Batangas

Nasa kustodiya na ng Philippine National Police ang isang pulis na ngayon ay person of interest sa pagkawala ni Miss Grand Philippines 2023 contestant Catherine Camilon. Ang dalawa diumano ay may relasyon at nakatakdang magkita noong araw mismong nawala ang beauty queen.

Isang pulis ang itinuturing “person of interest” sa misteryosong pagkawala ng Miss Grand Philippines 2023 contestant Catherine Camilon.

Ibinunyag ni Brigadier General Paul Kenneth Lucas, Police Regional Office – Calabarzon (PRO-Calabarzon) director, sa isang pahayag na batay sa imbestigasyon nila, “the investigation leads to a person of interest which later identified as a police officer.”

Nauna nang inanunsyo ng tagapagsalita ng Calabarzon police regional office na si Lt. Col. Chitadel Gaoiran na mayroon na rin silang tinutuntong person of interest.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang impormasyon si Lucas, maliban sa inalis ang naturang pulis sa kaniyang posisyon habang nakabinbin ang kaso.

Siya rin ay nasa kustodiya na ng Philippine National Police–Regional Personnel Holding and Accounting Unit.

Napag-alaman rin sa imbestigasyon na maaaring may relasyon si Camilon at ang pulis, at nakatakda raw magkita ang dalawa noong araw mismo nang pagkawala ng beauty queen.