Mali ka nang pinuntahan: Banyagang magpupuslit sana ng iligal na droga, timbog sa NAIA

Hindi nakalusot sa mga awtoridad ang isang Bolivian national na balak sanang magpuslit ng cocaine sa bansa.

Nasakote ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang banyagang nagbalak na magpasok ng iligal na droga sa bansa.

Sa isang pahayag, tinukoy ng PDEG ang suspek na si Robert Lavadenz Alvarez, isang 30-anyos na Bolivian national na lumapag ng bansa lulan ang Ethiopian Airline Flight ET644 mula sa Addis Ababa, Ethiopia.

Ayon pa sa PDEG, naaresto si Alvarez sa isang “interdiction operation” sa Customs International Arrival Area ng NAIA Terminal 3 noong Martes Oktubre 31.

Nakumpiska mula kay Alvarez ang isang bagaheng may lamang humigit-kumulang 9,000 gramo ng cocaine, na may tinatayang P47 milyong market value. Nakuha rin ng mga awtoridad ang dalawang boarding pass, isang Customs baggage declaration form, isang Bolivian National ID card, at isang cellphone.