Mali ang China! Teodoro pinuna ang mga ‘egregious violations’ ng Chinese forces sa West Philippine Sea

Binigyang pansin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga mapanganib na paggalaw ng China sa West Philippine Sea na tinawag niyang mga "egregious violation' sa maritime safety.

Sinita ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa christening at commissioning ceremony ng BRP Valentin Diaz (PS-177) and BRP Ladislao Diwa (PS-178) ang mga “egregious violation” ng China sa maritime safety.

Paliwanag ni Teodoro, ang mga mapanganib na maniobra, pag-anino, at iba pang agresibong aksyon na ginawa ng mga sasakyang pandagat ng China laban sa mga bangka at barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) ay matinding paglabag sa kaligtasang pandagat.

“Itong ginawa ng Chinese Coast Guard napaka-egregious violation ito ng maritime safety. Hindi ako kapitan ng barko pero kita mo naman ang panggitgit nila at kung may mangyari sino ang sasagot? Ano ang mangyayari?,” pagpupuna ni Teodoro.

“Tayo dere-deretso lang nag-eescort ng ating RoRe vessels eh sila nanggigitgit ng ganoon eh. So, sino ang iresponsable dito? Sa akin obvious na po ang kasagutan.”

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Teodoro ang kahalagan ng pagpapa-igting ng maritime capabilities ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard upang matugunan nito ang mga violations ng China.

“Ang kailangan talaga ay sabay-sabay na upgrading din ng ating Coast Guard at ang ating Philippine Navy para sa ganoon ang internal ano, maritime security capabilities ay mapagtuunan nila ng pansin,” paliwanag ni Teodoro.