Malaki rin kaya ang mga sahod nito? 8 aplikante, magkatungali para sa board seats sa Maharlika Investment Corp. – DBM

Balak i-sumite ang short-list kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa susunod na linggo, ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Mayroon nang walong aplikante para maging miyembro ng board of directors ng Maharlika Investment Corp. (MIC), ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Ayon kay Pangandaman, umabot nasa walo ang aplikante nang i-anunsyo ng gobyerno na tumatanggap na ito ng mga aplikasyon para sa MIC, paliwanag ni Pangandaman.

“‘Yung info na nabigay sakin nung una, but this was two weeks ago when we started, parang there’s already seven to eight… Private mostly, walang government,” paliwanag ni Pangandaman.

Isang government-owned company ang MIC na mangangasiwa sa Maharlika Investment Fund (MIF), ang pondo ng gobyerno na gagamiting puhunan sa mga proyekto na may mataas na epekto sa ekonomiya.

Binuksan ng Presidential Communications Office ang aplikasyon noong Setyembre 12, at natapos ito noong Setyembre 27.

Ayon kay Pangandaman, pinag-aaralan na ang mga aplikasyon, at kinakausap ang mga aplikante. Inaasahan niyang makakapagsumite na ang kagawaran ng mga rekomendasyon nito sa Lunes, Oktubre 2.

Anim na kandidato na bahagi ng short-list ng kagawaran ang itatalaga ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang pangulo at CEO ng MIC, dalawang regular director, at tatlong independent director.

Bahagi rin ng MIC board ang kalihim ng Department of Finance, at mga pangulo at CEO ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

Kasama naman sa advisory body para sa MIC ang mga kalihim ng Department of Budget and Management, National Economic and Development Authority, at ang national treasurer.