Mala-telenovela! Kambal na nagkahiwalay matapos ipaampon, nagkita makalipas 15 taon

Emosyonal ang naging pagkikita ng magkambal na 15 taong nagkahiwalay matapos ipaampon ng kanilang ina sa magkaibang pamilya.

Emosyonal ang naging pagkikita ng magkambal na 15 taong nagkahiwalay matapos ipaampon ng kanilang ina sa magkaibang pamilya.

Sa episode ng ‘Kapuso Mo, Jessica Soho’, ikinuwento ni Elvis, isang parte ng LGBT community na taga-Maramag, Bukidnon, kung paano niya naampon ang isang sanggol na pinangalanan niyang James.

Ayon kay Elvis, nalaman niyang pinaampon ng isang nagtatrabaho sa bar ang anak nito.

Dito niya naisipang siya na ang umampon sa bata, na kasama niya hanggang ngayon.

Napalaki ng maayos ni Elvis si James, na nagpatuloy sa pag-aaral at Grade 10 na ngayon.

Ngunit isang sorpresa ang gumulat sa tahimik na buhay nina Elvis at James, nang kumontak ang ina ng pinaampon na bata para sabihing may kakambal pala ito.

Ayon kay Elvis, hindi niya inakala na may kakambal si James dahil hindi naman daw nakasaad sa birth certificate na may kasabay itong isinilang.

Doon nila hinanap sa social media ang kakambal ni James, na napag-alaman nilang Joveth ang pangalan.

Natuklasan nilang nasa Bukidnon din ang kakambal ni James, tatlong oras lang ang layo sa kanilang bayan.

Sa pamamagitan ng KMJS, nagkita ang magkambal at hindi mapagsidlan ang tuwa ng dalawa sa kanilang reunion.

Sinabi naman nina Joveth at James na wala silang nararamdaman na sama ng loob sa kanilang ina.