Make my day! LTO chief: Bilang na ang mga araw ng mga fixer

Binalaan ni Land Transportation Office chief Vigor Mendoza II ang mga fixer na umaaligid sa mga tanggapan nito at sa online na bilang na ang mga araw nila sa pangbubudol.

Nangako ang Land Transportation Office (LTO) na susupilin nito ang mga fixer na kumikilos malapit sa mga opisina nito bilang bahagi ng kanilang laban sa katiwalian sa loob at labas ng ahensya.

“Kung hindi niyo linisin yan, eh papalitan namin kayo, sa ibang taong pwedeng maglinis niyan (If you can’t clean it, we’re going to replace you,” babala ni chief Assistant Secretary Vigor Mendoza sa isang panayam sa Radyo 630 nitong Lunes, Setyembre 4.

Aniya, ang mga fixer na ito, o mga indibidwal na nag-aalok ng mga serbisyo ng LTO kapalit ng bayad, ay karaniwan pa ring nakikita at madalas na umaasikaso sa mga pumupunta sa LTO para sa mga serbisyo nito.

“Ang responsibilidad po nila ay ika-klaro po natin. It stretches outside the office. Kailangan hindi pwedeng pabayaan lang nila lumago yung mga ganyang klaseng kalakaran,” dagdag pa ni Mendoza.

Sinabi rin ni Mendoza na ang lahat ng mga direktor sa LTO regional offices ay inimbitahan ng ahensya na dumalo sa isang conference sa susunod na lingo, kung saan tatalakayin ang isyu ng mga fixer malapit sa mga opisina nito, bukod sa iba pang bagay.

Inanunsyo rin ni Mendoza ang heightened partnership ng LTO at Philippine National Police (PNP) – Anti-Cybercrime Group upang mahuli ang mga fixer at online scammers.