Makasaysayan ito! Pia Cayetano, kauna-unahang babae na itinalaga bilang chair ng Blue Ribbon Committee

Sa pagkakatalaga niya bilang chair ng Blue Ribbon Committee, si Sen. Pia Cayetano na ang unang babae na hahawak sa naturang posisyon sa 107-na-taong kasaysayan ng Senado.

Itinalaga noong Lunes, Enero 22, si Senator Pia Cayetano bilang Chair ng makapangyarihang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, na mas kilala rin bilang Blue Ribbon Committee.

Sa pagkakatalagang ito, si Cayetano na ang unang babae na hahawak sa naturang posisyon sa 107-na-taong kasaysayan ng Senado.

“I look forward to witnessing her skilled leadership as she guides the Committee in fulfilling its responsibility to scrutinize matters of public interest, oversee government actions, and ensure that government institutions efficiently and effectively implement laws,” sabi ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa isang pahayag.

Maging ang minorya ay pabor sa pagkakatalaga ni Cayetano.

“The Minority applauds the decision of the Majority, Mr. President and we congratulate our first-ever female chairperson of our Senate Blue-Ribbon Committee,” saad naman ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III.

Papalitan ni Cayetano si Sen. Francis Tolentino, na una nang nagbitiw bilang Chair bilang pagsunod sa isang kasunduan na isa at kahalating taon lamang niyang pamumunuan ang naturang komite.