Makakatakbo pa rin si ‘Boss’ kasi hindi pa sintensyado: Special elections sa Negros Orienta, ikinakasa na

Una nang pinatalsik sa House of Representatives si Teves dahil sa pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.

Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) kung isasailalim ba nito sa Comelec control ang special elections para mapalitan si Arnolfo Teves Jr., ang pinatalsik na kinatawan ng Negros Oriental.

Ibig sabihin, direktang hahawakan ng Comelec ang halalan, at ito rin ang mangangasiwa ng mga kawani ng gobyerno sa lugar upang masiguradong maayos at mapayapa ang gaganaping botohan.

Matatandaang na-expel sa House of Representatives si Teves dahil sa pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.

Ang special elections para mapalitan ang nabakanteng posisyon ni Teves ay gaganapin sa Disyembre 9, samantalang Nobyembre 8 hanggang 9 naman ang target na filing ng mga certificate of candidacy nang mga nais tumakbo.

Sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na maaari pa ring tumakbo si Teves dahil hindi naman ito bawal sa ilalim ng batas.

“Sa atin pong batas hangga’t walang final judgment of conviction, puwedeng makatakbo ang isang kandidato,” paliwanag niya.

Kasalukuyang nagtatago si Teves sa hindi matukoy na lugar. Nakatimbre na rin siya sa Interpol upang matugis na.