Mainit masyado ang pasok ng Bagong Taon! Tinatayang 30 kabahayan sa residential area, nasunog sa Navotas

Aabot sa 50 hanggang 60 pamilya naapektuhan ng malaking sunog, na mabilis kumalat dahil karamihan ng bahay sa nasabing daan ay barung-barong at gawa sa light material

Nasa tinatayang 30 na bahay sa Navotas City an tinupok ng apoy sa isang sunog pasado alas-4 ng hapon nitong Biyernes, Enero 5.

Naganap ang sunog sa isang residential area sa Silahis Street sa Barangay Tanza, Navotas City. Malapit ang lugar sa kahabaan ng Tangos River.

Sa pagtaya ni City Fire Marshall Supt. Jude delos Reyes, aabot sa 50 hanggang 60 pamilya naapektuhan ng malaking sunog, na mabilis kumalat dahil karamihan ng bahay sa nasabing daan ay barung-barong at gawa sa light materials.

Mabilis rin itong itinaas sa second alarm.

“It was reported na medyo developing fire na siya, involved shanties along Tangos river, naalarma kami kaya inakyat agad namin ng second alarm, saad ni Delos Reyes. “Dumating ang firetrucks, volunteers, were able to confine the fire around 30 minutes.”

Nakatulong rin aniya na sa may ilog nangyari ang sunog.

“Mayroon kaming fireboats na nagamit kanina, and ‘yun ang tumulong sa ‘min kasi direktang naka-draft sa tubig, so tuloy tuloy ang pagbuga ng tubig sa mga apektadong lugar,” ani Delos Reyes.

Alas-5 ng hapon ng ideklarang fire out ang nasabing sunog.