Mainam na ang handa: DA, pinaghahandaan na ang pagdating ng El Niño

Kasabay nang pag-anunsiyo ng Pagasa na maaaring tumama ang El Niño sa bansa, agad namang gumawa ng National El Niño Team ang Department of Agriculture (DA) na siyang mamumuno sa paghahanda para sa matagal na dry spell.

Bumuo na ng National El Niño Team ang Department of Agriculture (DA) upang maibsan ang posibleng masamang epekto ng El Niño sa agrikultura at pangingisda.

Sinabi ni DA national corn program director U-Nichols Manalo na pamumunuan ng nasabing grupo ang Mitigation and Adaptation Plan para sa mga sector ng crops, fisheries, at livestock.

Gagawa at mamamahagi rin ito ng mga materyales para ipagbigay alam sa publiko ang tungkol sa El Niño, ang mga epekto nito, at ang mga dapat gawin, aniya.

“For the past 25 years, we had seven El Niño episodes recorded. Three of those were categorized as strong El Niño with the majority of the damage affecting rice and corn. And if we’re looking at the historical data, it is likely that it will affect those areas that are previously affected,” paliwanag ni Manalo.

Tiniyak naman niya na magsasagawa ng mga ground assessment ang ahensiya upang makagawa ng mga nararapat na intervention kung kailangan.

Huling tumama ang El Niño sa Pilipinas noong 2018 hanggang 2019.