Mahal ang multa! Ipa-rehistro na ang mga sasakyan dahil maghihigpit kami muli–LTO

Mahaharap sa P10,000 na multa ang sinumang mahuhuli na gumagamit ng sasakyang may paso na rehistro.

Pinaalalahanan ni Land Transportation Office (LTO) chief Vigor D. Mendoza II ang mga motorista na iparehistro na nila ang mga sasakyan nila sa ahensya kung paso na ang mga ito dahil mahigpit ang pagpapatupad ng “no registration, no travel” policy simula sa susunod na linggo.

Mahaharap sa P10,000 na multa ang sinumang mahuhuli na gumagamit ng sasakyang may paso na rehistro, paalala ni Mendoza sa isang pahayag Biyernes, Disyembre 29.

“Starting next week, we will be reviving our strict ‘No Registration, No Travel’ campaign across the country, so wala ng warning lang. As such, I would like to appeal to our delinquent motor vehicle owners to find time to renew the registration of their respective motor vehicles to avoid paying hefty fines,” ayon kay Mendoza.

Una nang nagluwag ang LTO sa panghuhuli ng mga pasong rehistro upang bigyan ng pagkakataon pa ang mga motorista na ayusin ang kanilang mga papeles ngayong holiday season.

Maghihigpit na ang LTO muli sa pagbiyahe ng mga sasakyang hindi maayos ang rehistro simula Enero 2024, ani Mendoza.

Ayon sa datos ng LTO, aabot sa 24.7 milyon ang mga sasakyang may paso na rehistro, o katumbas ng 65% ng kabuuang bilang ng mga sasakyan sa buong bansa.

Kailangan magrehistro ng mga sasakyan dahil ito lamang ang paraan ng gobyerno na matiyak na ligtas itong bumaybay sa mga kalsada, paliwanag pa ni Mendoza.

“Our determination to have all these delinquent motor vehicles registered is primarily about safety for all road users,” ayon sa opisyal.

“Aside from strict enforcement, we are also implementing ways to make the renewal of the motor vehicle registration fast and comfortable to all our clients. This is the reason why I ordered the creation of special or fast lanes for delinquent motor vehicle registration in all our offices nationwide,” dagdag pa niya.