Magtulong-tulong para sa mas maayos na buhay! Direktiba ni PBBM para sa plano sa populasyon, isinulong muli ng CPD

Kabilang sa mga tulong na ibinabahagi ng mga LGU at CPD ay reproductive health, responsible parenthood, at family planning.

Tiniyak ng Commission on Population and Development (CPD) na aktibo nitong isinusulong ang Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) na una nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Nobyembre.

Sa katunayan, ipinapatupad na aniya ito ng mga national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs).

“Marami po tayong natulungang mga LGU na maka-usap nila ng mabuti ang kanilang mga kababayan, mga mag-asawa na mabigyan ng suporta kung ano ang gusto nilang bilang ng kanilang mga anak,” saad ni CPD Executive Director Undersecretary Lisa Grace Bersales sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon forum nitong Lunes, Enero 8.

BASAHIN RIN: Plano para sa populasyon ng bansa, inaprubahan ni PBBM

Giit pa ni Bersales, bago pa man aprubahan ng pangulo ang PPD-POA ay nakikipagtulungan na ang CPD sa mga LGU upang matugunan nito ang mga isyu sa populasyon at mabigyan ng mas maayos na buhay ang mga mamamayang saklaw nito.

Kabilang sa mga tulong na ibinabahagi ng mga LGU at CPD ay reproductive health, responsible parenthood, at family planning.

Gayunpaman, muli pa ring ipinaalala ni Bersales ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan.

“Magtulong-tulong po tayo na mapaayos ang ating mga buhay-buhay. At kasama na dun talaga ang pagpili ng bilang ng mga anak at ‘yung ating mga kabataan ay tulungan po natin talaga na sila naman po ay magkaroon ng ambisyon sa buhay nila…” saad pa niya.