Magtrabaho para magkaroon ng kapayapaan! Romualdez, iginiit ang suporta sa usapang kapayapaan sa rebeldeng komunista

Nauna nang binatikos ni Vice President Sara Duterte ang bagong usapang pangkapayapaan na niluluto ng pamahalaan at pamunuan ng rebeldeng komunista.

Muling iginiit ni House Speaker Martin Romualdez ang kanyang buong suporta sa desisyon ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na muling simulant ang usapang kapayapaan kasama ang National Democratic Front of the Philippines.

Dagdag pa niya, walang dapat ikatakot o ikabahala sa tinatahak na landas ng pamahalaan, lalo pa’t isa itong “moral imperative.”

“Bakit tayo matatakot makipag-usap kung alam nating malakas ang ating Sandatahang Lakas at matatag ang ating Republika? Ano ang ikinakabahala natin kung alam natin na nasa pamahalaan ang tiwala ng bayan?” saad ni Romualdez.

Ang sambit ng Speaker na ito ay matapos ilarawan ni Vice President Sara Duterte na “pact with the devil” ang desisyon ng pamahalaan na makipag-usap muli sa rebeldeng komunista.

Pinabulaanan naman ito ni Romualdez.

“It is a moral imperative, a chance to mend the fissures that have long divided our nation. We are not just negotiating terms; we are weaving the fabric of a peaceful future for every Filipino,” aniya. “Let us embrace this opportunity with open hearts and minds, fostering an environment where peace can flourish.”