Magsasaka, patay sa pamamaril sa Tabaco City

Palaisipan pa rin sa mga pulis ang motibo sa pagpaslang sa lalaki, na kilalang mabait at responsable sa kanilang lugar.

ALBAY – Patay ang 69-anyos na magsasaka sa Tabaco City matapos tambangan pasado alas-8:00 ng umaga nitong Linggo, Setyembre 24, 2023.

Kinilala ang biktimang si Eleo Lorico ng Brgy. Buang, Tabaco City.

Ayon sa mga testigo, lumapit ang dalawang salarin saka pinagbabaril ang biktima habang nakatambay sa tulay ng barangay kasama ang ilang kaibigan,

Para kay Marites Lorico, mabait at responsableng padre de pamilya ang kaniyang asawa. Wala rin diumanong kagalit ang biktima, kaya kahit siya ay blangko din sa kung sino ang nasa likod ng pamamaslang.

Napag-alaman din na may CCTV sa lugar subalit ayon kay Kagawad Nora Buenconsejo, brownout nang mangyari ang insidente.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Tabaco City PNP.