Magsasaka, patay ng tamaan ng kidlat sa Albay; dalawang bayaw, sugatan

Sumilong pa daw ang biktima sa ilalim ng puno ng niyog, ngunit tinamaan pa rin ito ng kidlat

TABACO CITY, ALBAY – Sinubukan pa sanang isugod sa Ziga Memorial Hospital sa Tabaco City ngunit kalaunan ay binawian rin ng buhay ang 24-anyos na magsasaka sa Malinao matapos tamaan ng kidlat pasado alas-2:00 ng hapon nitong Biyernes, September 15, 2023.

Kinilala ang biktimang si Reymart Rubia ng Purok 2, Barangay Balading ng naturang bayan.

Ayon kay Police Chief Master Sgt. Roland Almanza ng Malinao Municipal Police Station, malakas ang pag-uulan noong araw na iyon na sinundan pa ng malalakas na pagkulog at kidlat. Makalipas lamang ang limang minuto ay nakatanggap na sila ng sumbong na may tinamaan na ng kidlat sa naturang lugar na agad naman nilang nirespondehan kung saan naabutan pa nila ang biktimang nakahandusay at walang malay.

Dagdag pa ni Almanza, sumilong pa sa lilim ng niyog malapit sa kanilang sakahan ang biktima.

Sa isinagawang pagsusuri sa katawan ng biktima, tama ng kidlat sa bandang batok ang kumitil sa buhay nito.

Maswerte namang nakaligtas ang dalawang bayaw ni Rubia na kasama niya sa pag-aani ng kanilang pananim noong araw ding iyon. Kinilala ang magkapatid na sila Angelo, 21-anyos at Ariel Ros 31-anyos na nagpapagaling pa sa ngayon.