Magkakapatid na biktima ng sunog sa bayan ng Juban, humihingi ng tulong

Idinaan sa Facebook post ang paghingi ng tulong ni Dexter Paclibar matapos na masunog ang kanilang bahay noong Nobyembre 1 habang nasa kasagsagan ng paggunita ng Undas.

SORSOGON – Idinaan sa Facebook post ang paghingi ng tulong ni Dexter Paclibar matapos na masunog ang kanilang bahay noong Nobyembre 1 habang nasa kasagsagan ng paggunita ng Undas.

Makikita rin sa post ang bahagi ng bahay ng limang ulilang magkakapatid na tinupok ng apoy sa Barangay Lajong, Juban, Sorsogon.

Ayon Senior Fire Officer 2 Mark Mendizabal, Chief Emergency Medical Service at Fire Arson Investigator ng Juban BFP, nakatanggap sila ng tawag mula sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Juban na mayroong sunog na nangyari.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nagpunta sa sementeryo ang matandang kapatid habang naiwan naman ang apat na iba pa kung saan nagsindi ang mga ito ng kandila at ilinagay sa ibabaw ng kabinet na naging sanhi ng sunog.

Pero bago pa man makarating ang Juban BFP, fireout na ang sunog na kaagad namang idineklara ni F03 Rosanna Chipay matapos na magbayanihan ang mga residente.

Aabot sa P50,000 ang halagang pinsala ng sunog at maswerteng walang ibang nadamay at nasaktan.

Para sa mga gustong tumulong ay magpadala sa GCash number na 0946-706-4856 na pagmamayari ni Lycka Paloyo Paclibar, isa sa kapatid ng nasunugan.