Maging maingat, mapanuri: CICC, pinag-iingat ang mga Pilipino sa mga online shopping scams

Kung biktima ka ng online scam, pwede kang makipag-ugnayan sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa 1326.

Pinaalalahanan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga Pilipino na maging “extra careful” sa online shopping dahil talamak na naman ang mga scam lalo’t magpa-Pasko na.

“Based on our observation, shopping scams usually increase during the Christmas season,” saad ni CICC executive director Alexander K. Ramos sa isang pahayag.

Aniya, isa ang Pilipinas sa mga bansang pinakamaraming nabibiktima ng mga scam, ayon na rin sa 2023 Asia Scam Report na inilabas sa unang 1st Anti-Scam Asia Summit sa Taipei.

Kanya ayon sa CICC, na isang ahensiya ng Department of Information and Communications Technology, maging maingat at mapanuri online, at huwag rin basta-basta maniniwala sa mga inaalok na kung anu-ano.

“Scammers take advantage of the high volume of online shopping and people’s vulnerability during this period…,” ani Ramos. “Some people easily believe on false promises even if they are too good to be true.”

Pinag-iingat rin ng CICC ang mga Pilipino sa iba pang mga scam gaya ng identity theft, investment scams, at charity scams.

Sinabi rin ni Ramos na pwedeng makipag-ugnayan sa CICC sa 1326 kung mabibiktima ng mga scam.