Magdala uli ng payong: PAGASA nagbabala ng panaka-nakang ulan

Magiging maulang ngayon Lunes at sa mga susunod na araw gawa ng low pressure area sa loob at labas ng Philippine area of responsibility, na siya namang nagpapa-igting ng habagat.

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring maging maulan nitong Lunes, Setyembre 11, at sa susunod pang mga araw dahil sa dalawang low pressure area (LPA) na namataan nito sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR)

Dagdag pa ni state weather specialist Obet Badrina, pinalalakas ng mga nasabing LPA ang habagat, na siya namang magdudulot ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, partikular na ang Mindanao.

“Itong nasa labas ay nagpapalakas po ng hanging habagat na siyang nakaka-apekto partikular sa may bahagi ng Mindanao kaya inaasahan natin na magiging maulap ang kalangitan na may malaking tyansa ng pag-ulan sa may bahagi ng Zamboanga Peninsula,” paliwanag ni Badrina sa isang public weather forecast ng PAGASA.

Ayon sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, ang LPA sa loob ng PAR ay namataan sa layong 875 kilometro silangan-hilagang-silangan ng pinakahilagang Luzon, samantalang ang PAR sa labas ng PAR ay matatagpuan sa layong 1,960 kilometro silangan-hilagang-silangan ng silangang Visayas.