Magdala pa rin ng payong: Nakaambang bagyo inaasahang magdadala ng matinding ulan – Pagasa

Asahan na magiging maulan pa rin sa mga susunod na araw dahil kay Tropical Depression "Ineng" na namataan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Northern Luzon nitong madaling araw ng Setyembre 5.

Isang araw pa lamang matapos makaalis sa Philippine area of responsibility (PAR) si Bagyong “Hanna” ay may nagbabadya na namang panibagong sama ng panahon na makakaapekto sa bansa.

Iyan ay matapos maging tropical depression kaninang alas-2 ng madaling araw, Setyembre 5, ang low pressure area (LPA) na unang namataan sa silangan ng Northern Luzon. Ang panibagong tropical depression na namataan ng PAGASA ay pinangalanang “Ineng.”

Taglay ni Ineng ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometro kada oras.

Huling natunton ito sa layong 925 kilometro sa silangan ng Northern Luzon, ayon sa pinakahuling weather bulletin na nilabas ng PAGASA.

Bagaman malayong mag-landfall si Ineng, asahan pa rin na magdadala ito katamtaman o malakas na ulan sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela sa norte.

Ito ay dahil sa habagat, na siya namang pinapalakas ni Ineng, ayon na rin sa PAGASA.

Asahan rin ang maulan na panahon sa Pangasinan, Zambales, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Bataan, at maging sa Metro Manila, Benguet, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.

Inaasahang lalabas si Ineng sa PAR sa Martes ng gabi o Miyerkules.