Magbayad kayo ng buwis! BIR, aminadong hirap pa rin habulin ang mga influencer, ‘content creator’

Tila maraming influencer ang hindi nagbabayad ng tamang buwis. Sa katunayan, nagpadala na ang BIR ng higit 250 letters of authority (LOA) sa mga social media personalities na pinaniniwalan nitong hindi nagbabayad ng tax.

Aminado ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na nahihirapan pa rin ang ahensiya na patawan nang karapatang buwis ang mga tinatawag na influencer, content creator, at social media personality dahil ang malaking porsiyento ng kanilang kita ay galing sa mga kumpanyang nakabase sa ibang bansa, gaya ng Meta (Facebook at Instagram), X (dating Twitter), at Google (YouTube).

Dahil diyan, umaasa na lamang sa ngayon ang BIR na boluntaryong magbabayad ng tax ang nasabing mga personalidad at magiging tapat sila sa kanilang mga tax declaration batay na rin sa totoong kinikita nila.

Sinasabing higit P100,000 kada Instagram post ang maaaring kitain ng isang influencer na may milyon-milyong followers, samantalang P25,000 hanggang P80,000 naman para sa mga influencer na mababa sa isang milyong ang followers.

“We’re engaging the social media influencers and we’re trying to win their side,” sabi ni BIR Assistant Commissioner Jethro Sabariaga sa mga reporters sa sidelines ng isang tax symposium na tinanghal ng SGV & Co.

Kung hindi sila susunod, kailangan pang humingi ng tulong ng BIR sa mga banyagang kumpanya at sa mga parehong ahensiya nito sa ibang bansa upang makuha ang kaukulang impormasyon para mahabol nila ang mga influencer na magbayad ng tax.

Kaugnay niyan, tila marami rin hindi sumusunod sa BIR. Sa katunayan, nagpadala na ang ahensiya ng higit 250 letters of authority (LOA) sa mga social media personalities na pinaniniwalan nitong hindi nagbabayad ng tax. Sa pamamagitan ng LOA ay mabubusisi ng BIR ang mga kinita ng isang taxpayer upang malaman kung magkano ba dapat ang tax na dapat bayaran nito.