Magandang oportunidad ito: Hungary, Austria, at Italy, may libu-libong trabaho para sa mga maabilidad na Pilipino

Interesado ang Austria, Hungary, Italy, Czech Republic, at Germany na tumanggap ng mga manggagawang Pilipino at magbigay ng magagandang benepisyo kapalit ang kanilang serbisyo, ayon sa kagawaran.

Inanunsyo Department of Migrant Workers (DMW) na may libu-libong trabaho ang naghihintay sa mga Pilipino sa Hungary, Austria, Italy, at Germany.

Ayon sa DMW, tinatayang 10,000–20,000 skilled workers mula Pilipinas ang hinahanap ng Hungary, na nagpabatid na sa DMW na handa itong magbigay ng “world class” na mga benepisyo sa mga kwalipikadong Pilipino sa larangan ng manufacturing, agrikultura, at hospitality.

May kasunduan na rin ang Pilipinas sa Czech Republic at Austria tungkol sa pagkuha nito ng tinatayang 5,000–10,000 skilled workers ng Pilipinas, partikular na sa larangan ng kalusugan. Bilang kapalit, magbibgay ang Austria ng scholarship sa mga mag-aaral na Pilipino.

“Gusto din nila tumulong to ensure that there will be more Filipino workers, not only for Austria but for the Philippines, so nandyan yung mga scholarship, yung mga training,” ani Patricia Yvonne Caunan, DMW undersecretary for Policy and International Cooperation.

Interesado rin ang Italy na tumanggap ng mga overseas Filipino workers, ayon kay Marco Clemente, ang ambassador ng Italy sa Pilipinas.

“We might have more and more Filipino and Filipina nurses in Italy, but also in other kinds of sectors even more professional than that. Even engineers,” aniya.

Dagdag pa ng DMW, pati ang Germany ay bukas sa mga Pilipinong manggagawa.