Mag-uuwi ng ginto sa Paris Olympics bibiyayaan ng house and lot

Ginarantiya ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino na aapaw ang premyo sa atletang Pinoy na makakasungkit ng gintong medalya sa paparating na 2024 Paris Olympics.

Ginarantiya ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino na aapaw ang premyo sa atletang Pinoy na makakasungkit ng gintong medalya sa paparating na 2024 Paris Olympics.

Ayon kay Tolentino, bukod sa cash prize na nakasaad sa batas, tatanggap ng bahay at lupa ang uuwing Olympic gold medalist. Tiniyak rin niya na may extra pang kwarta na ibibigay sa naturang atleta.

“Definitely (additional incentive aside from the government) kasi nung umupo naman ako, laging meron whether SEA Games, Asian Games, and especially Olympics. Definitely meron ‘yan,” wika ni Tolentino sa isang press conference nitong Huwebes.

“’Yung house and lot, pinag-uusapan namin ni Secgen (Wharton Chan) kung saan maghahanap ng house and lot sa gold medalist,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng R.A. 10699, ang mga nakauwi ng gintong medalya sa Olympics ay tatanggap ng P10 milyon mula sa pamahalaan. P5 milyon naman para sa silver medalist at P2 milyon para sa bronze medalist.

Noong Tokyo Olympics ay sinungkit ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa naturang patimpalak.

Ang Paris Olympics ay gaganapin mula Hulyo 26 hanggang Agosto 11.