Mag-ingat sa hi-tech kawatan: Text at online scam laganap pa rin, ayon sa Globe

Nananatiling isang malaking problema ang digital fraud dahil ginagamit ng mga kawatan ang mga messaging channel at mga numerong galing sa ibang bansa, na pareho namang hindi saklaw ng mga regulasyon sa pagpaparehistro ng SIM o SIM registration.

Nananatiling isang malaking problema ang digital fraud dahil ginagamit ng mga kawatan ang mga messaging channel at mga numerong galing sa ibang bansa, na pareho namang hindi saklaw ng mga regulasyon sa pagpaparehistro ng SIM o SIM registration.

Ito ang pahayag ng Globe Telecom Inc. matapos ang tila wala pa ring katapusan sa insidente ng spam text na ipinapadala sa mga subscribers nito.

Kaugnay nito, magpapadala ang Globe ng mga kinatawan sa pagdinig ng Senado sa Martes, Setyembre 5, na maglalayong talakayin at usisain ang paglaganap ng mga text scam sa bansa at ang mga napapaulat na paggamit ng SIM para sa mga ilegal na operasyon.

Sinabi ni Globe general counsel Froilan Castelo na ang mga kaso ng online fraud, partikular ang text scam, ay nananatiling laganap sa mga espasyong hindi kinokontrol ng SIM registration, gaya na nga ng mga messaging platforms katulad ng Telegram, Viber, at WhatsApp.

Gayundin, sinabi pa ni Castelo na lumipat na ang mga kriminal na grupo sa paggamit ng mga SIM galling ibang bansa upang ipagpatuloy ang kanilang mga iligal na gawain.

Sa pamamagitan nito, maaari silang makipag-ugnayan sa kanilang mga potensyal na biktima nang hindi nasusubaybayan ng mga awtoridad, dahil ang ginamit na numero ng mobile ay nasa labas ng saklaw ng SIM Registration Act.

Mariin namang pinaalalahanan ni Globe chief sustainability and corporate communications officer Yoly Crisanto ang mga Pilipino na lalong maging maingat laban sa mga manloloko. Hinimok niya ang lahat na iwasan ang pagbibigay ng personal at sensitibong detalye sa mga online platform o maging kanino man.