Mag-exercise tayo! Tropang Pinas at Australia, nagsanib pwersa sa isang joint military exercise

Ginanap ng military forces ng Pilipinas at Australia ang isang joint military exercise nitong Setyembre 3 bilang parte ng taunang Exercise Carabaroo ng dalawang bansa.

Nagsanib pwersa ang mga tropang militar ng Pilipinas at Australia kamakailan lang sa isang joint exercise, kung saan inatake nito ang isang “mock target” upang talunin kunwari ang isang banta sa kapayapaan.

Umabot sa 138 sundalong Pilipino ang ipinadala sa Australia para sumali sa ehersisyo. Nauna na rito ay ginanap ng dalawang tropa ang kanilang kauna-unahang joint exercise, ang Exercise Alon, noong Agosto 31.

Ang nasabing ground assault operation ng pinagsanib pwersang militar ng Pilipinas at Australia, na ginanap noong Setyembre 3, ay kabilang sa tatlong linggong bilateral exercise na ginanap naman sa Channel Island sa Northern Territory, Australia nitong nakaraang Agosto.

Ang bilateral exercise na ito ay ang tinatawag na “Exercise Carabaroo” na siya namang bahagi ng Exercise Predator’s Run ng Australian Army. Ito ay isang taunang aktibidad kung saan nagsasanay ang mga kasali sa isang force-on-force na labanan.

“(Exercise Carabaroo 2023) strengthens tactical coordination and increases survivability, lethality, command and control within the urban environment while enhancing the interoperability of multinational combined arms teams,” paliwanag ni Philippine Army spokesman Col. Xerxes Trinidad sa isang pahayag.